Friday, July 25, 2008

Kung papipiliin ka...

Kung papipiliin ka, ano’ng pipiliin mo? Ang maging makasarili, o ang makitang ang kaligayahan mo ay hawak na ng iba? Kung hindi ka talagang makasarili, mahirap ngang pumili. Malamang ayaw mong makasakit ng iba; mas pipiliin mong masaktan ka kaysa iba ang masasaktan; mas pipiliin mo ang kapakanan ng iba bago ang sarili mong interes. Ngunit kung ikaw ang taong sadyang makasarili, malamang sa malamang, ayaw mong nauunahan ka ng iba. Ayaw mong nasasapawan ka ng iba. Ayaw mong Makita na nasa iba na ang pinanghahawakan mong kaligayahan. Ayaw mong nasasaktan. Makasakit ka na ng iba, huwag lang ang sagrado mong sarili.

Kung papipiliin kita, saan ka pupunta? Sa nakaraang nagdulot ng pait, lungkot at ligaya, o sa kasalukuyan sa dapat mong pahalagahan at paglaanan ng pansin sapagkat ito ang mundo mo ngayon? Mahirap pumili lalo pa’t kung pareho itong may dulot ng iyong kaligayahan.

Kung babalikan mo ang nakaraan, marami kang mararamdaman—mga emosyong nakakabit sa mga bagay na nangyari sa buhay mo, sa mga taong dumaan sa buhay mo. Kung babalikan mo ang nakaraan, huwag mong hayaang makulong ka dito. Alalahaning tapos na ito at hindi na maibabalik pa. Kung sakali mang ibabalik mo pa at pilit na iwawaksi ng iyong damdamin ang bagay na tapos na, siguraduhing walang matatamaan, walang masasaktan sa iyong kasalukuyan.

Walang masama sa pag-alala ng nakaraan lalo na kung ito ang pinanghuhugutan mo ng ilang emosyon na pagbabasehan mo ng kasalukuyan. Ang masama lang ay kung ang pag-alala nito ay magbigay hudyat nang kagustuhang umpisahang muli ang mga bagay na tinapos na. Wala ring masama kung uumpisahan mong muli ang mga bagay na tapos na. Sabi nga nila, lahat ng bagay ay may karapatang bigyan ng pangalawang pagkakataon. Ngunit kung ang pangalawang pagkakataong ito ay magdudulot ng sakit sa kasalukuyan, huwag mo nang balakin pa. Huwag kang maging makasarili. Tanggapin mo na ang nakaraan. Iwan mo na ito at hayaang magsilbing aral. Sa pag-iwan sa nakaraan, hindi ka magiging mahina. Bagkus, tutulungan ka pa nitong maging malakas, matatag at magkaroon ng bukas na isipan sa pag harap sa kasalukuyan.

Kung ang bibigyang-pansin at pahahalagahan mo naman ay ang kasalukuyan, paniindigan mo ito. Hindi mo magagawa ang mga bagay na gusto mo kung wala kang pakialam sa iyong kasalukuyan. Ito ang mundong ginagalawan mo ngayon. Huwag mong hayaang tumigil; huwag mong tangkaing itigil. Dahil pag ginawa mo, maraming bagay ang posibleng mawala sayo. Marahil hindi biglaang mawawala, kundi unti-unting mawawala, unti-unting lilisan ng hindi mo namamalayan. Tipong mararamdaman mo kung gaano kasakit ang paglisan ng mga ito, kung gaano kasakit ang mag-isa sa panahong kailangan mo ng iba, at kung gaano kasakit ang makitang wala na ang pinanghahawakan mong kaligayahan dahil ito ay nasa kamay na ng iba.

Masayang mabuhay sa kasalukuyan. Marami kang matutuklasang bagay hindi lamang sa sarili mo kundi sa mundo na rin mismo. Maraming pagsubok. Maaari kang sumaya ng lubusan ngunit maaari ka ring masaktan ng hindi inaasahan. Sa mga pagsubok na ito, marami kang matututunan—ang maging matapang sa pagharap ng mga ito, ang maging matatag sa paglulutas nito, at maging mapagtanggap sa kung ano man ang kahihinatnan nito. Tutulungan ka pang maging mas matibay sa pagharap samga darating pang pagsubok.

Sumabay ka lang sa daloy ng kasalukuyan. Walang mawawala sayo. Paganahin mo lang ang iyong isipan. Pahalagahan mo lang ang iyong pinaninindigan at panindigan mo ang iyong pinahahalagahan. Tanggapin mo ang mga dumarating—bagay, tao, pagsubok. Hindi maiiwasang may bago. Maging rasyonal ka lang sa gagawing desisyon at sa pagtanggap. Huwag pabugso-bugso. Hawak mo ang iyong oras ngunit hindi mo ito kontrolado. O maaaring hindi mo man hawak ang iyong oras, ngunit ikaw ang kumukontrol dito, bawat segundo, bawat minuto.

© 240708

1:45 pm

UP Baguio Library

jcmja™_

No comments: